Leviste Tumanggi sa Kickbacks mula sa ₱3.6B DPWH Projects; District Engineer, Dapat Maging State Witness Para Mabunyag ang Korapsyon sa DPWH

Pormal nang naghain ng kaso si Congressman Leandro Legarda Leviste laban kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo (DE) dahil sa Direct Bribery, Corruption of Public Officials, Anti-Graft and Corrupt Practices, at mga paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, sa Tanggapan ng Provincial Prosecutor ng Batangas ngayong Martes, Agosto 26.
Hindi lamang tungkol sa alok na P3.1 milyong suhol ang kaso, kundi din ang posibleng SOP o kickback na umaabot sa mahigit P300 milyon taun-taon mula sa mga proyekto ng DPWH sa Unang Distrito ng Batangas. Ayon sa sinumpaang salaysay ni Congressman Leviste, sinabi umano ni DE na handang magbigay ng 5% hanggang 10% ng P3.6 bilyong proyekto ang ilang contractor—katumbas ng P180 milyon hanggang P360 milyon—bilang “suporta” umano sa mga programang pang-edukasyon ng kongresista.

Isinalaysay pa ni Leandro na may isang contractor na umano’y handang mag-withdraw ng paunang P15 milyon, habang ang P3.1 milyon na dala ni DE ay katumbas ng 3% ng P104 milyong proyekto, na may kalakip pang resibo.

Lumabas din sa sinumpaang salaysay ang umano’y iregularidad sa pagbibigay ng proyekto sa distrito. Ayon kay Congressman Leviste, hindi totoong mayroong patas na bidding dahil pinipili na umano ang mga contractor kapalit ng SOP. Pinangalanan pa raw ni DE ang ilan sa pinakamalalaking contractor sa distrito at ang ugnayan ng mga ito sa mga dating opisyal ng gobyerno.

“Kung pumayag ako, nagkaroon na sana ng mga meeting kasama ang mga contractor ngayong linggo, na maaaring nagbunga ng daan-daang milyong pisong kickback mula pa lamang sa mga proyekto nitong taong 2025. Sa loob ng tatlong taon, maaaring lagpas pa sa P1 bilyong piso ang nakalaan para sa Congressman ng Unang Distrito ng Batangas,”pahayag ni Leviste.

Binigyang-diin ni Leandro na maaaring may mas mataas pang pananagutan ang ibang opisyal kaysa sa District Engineer, at umaasa siyang si DE at iba pang kasalukuyan o dating empleyado ng DPWH o mga contractor ay magiging State Witness upang mapanagot ang iba pang nakinabang at sangkot sa kalakarang ito ng korapsyon.

Mariing tiniyak ni Leviste ang kanyang paninindigan para sa integridad: “Dahil hindi ako kailanman tatanggap ng kickback, titiyakin ko na lahat ng proyekto sa Unang Distrito ng Batangas ay maipatupad nang tama. Ipagpapatuloy natin ang imbestigasyon sa lahat ng proyekto ng DPWH sa distrito, hindi lamang sa flood control projects, at sisiguraduhin na anumang depektibong proyekto ay maaayos agad nang hindi nadadagdagan ang gastos ng gobyerno.”

Scroll to Top