Libreng Kolehiyo para sa Mas Maraming Estudyante, Mapopondohan Na

Matapos ang maraming taon na panawagan ng mga SUCs para mapondohan ang kakulangan ng budget para sa Free Higher Education Act, nag-commit ngayong araw ang Kongreso at Senado na maglaan ng karagdagang ₱12.31 bilyon para sa 113 SUCs sa 2026 General Appropriations Act.

Bilang House Committee on Appropriations Vice Chairman, pinangunahan ni Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste ang Pre-Plenary Budget Hearing para sa mga SUCs, kung saan nanawagan ang mga SUCs na pondohan ng Kongreso ang pagtutupad ng Free Higher Education Act sa 2026 budget, at isinulong ni Leviste ang panukala na aprubahan ito sa plenaryo.

Kinumpirma ni House Committee on Appropriations Chairperson Mika Suansing na ang ₱12.31 bilyon kakulangan sa budget ng mga SUCs ay mapopondohan na sa 2026 budget: ₱7.82 bilyon mula sa Higher Education Development Fund ng Commission on Higher Education (CHED), at ang karagdagang ₱4.49 bilyon ay aaprubahan ng Kongreso.

Kinumpirma din ni Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian na susuportahan ng Senado ang pagtaas ng budget ng mga SUCs sa 2026 para mapondohan ang pagtutupad ng Free Higher Education Act. Kasabay nito, ipinahayag din ni Senate Higher Education Committee Chair Loren Legarda ang kanyang suporta at pinangunahan ang isang pagpupulong kasama ang mga SUC presidents at CHED Chairperson Shirley Agrupis, para talakayin ang mga susunod na hakbang bago isalang sa Senado ang paglaan ng karagadang budget para sa mga SUCs.

Ayon sa presentasyon ni Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) President Dr. Tirso Ronquillo, ₱12.3 bilyon ang kakulangan ng budget para sa SUCs hanggang 2025, at kailangan pa ng mahigit kumulang ₱3.5 bilyon na budget para mapondohan ang mas mataas na enrollment ng mga estudyante sa 2026. Bagama’t mahalaga ang Free Higher Education Act, dahil sa kakulangan ng pondo, limitado lamang ang bilang ng mga slot na maaaring ialok ng mga SUCs, kaya tinatayang mahigit 200,000 kwalipikadong estudyante ang hindi nabibigyan ng pagkakataong makapasok sa ating mga SUCs.

Sinuportahan ni Senators Gatchalian at Legarda ang panawagan ng mga SUCs na dagdagan pa ang kanilang budget na isasalang sa Senado sa mga susunod na mga araw at inaasahan na madadagdagan pa ito, upang ang free college education ay maging abot-kamay hindi lamang sa iilan kundi sa mas maraming kabataang Pilipino.

Scroll to Top